Bagong anti-crime progam ng PNP na Clean Rider Campaign, inilunsad

Inilunsad ang bagong anti-crime program ng Philippine National Police (PNP) na tinatawag na Clean Rider Campaign na naglalayong mapigilan ang aktibidad ng motorcycle-riding criminals.

Ayon pa sa tagapagsalita ng Police Regional Office XI, Police Chief Inspector Milgrace Driz, layunin ng nasabing kampanya na matugunan ang mga kaso ng pagpatay at carnapping na kagagawan ng motorcycle-riding suspects.

Sinabi ni Driz, mismong si PRO XI Regional Director Manuel Gaerlan ang nanguna sa launching ng programa sa Tagum City kung saan karamihan sa mga krimen ay kagagawan ng motorcycle-riding suspects na nananatiling ‘unsolved’.

Kinumpirma ni Driz na may labintatlong kaso na kinasasangkutan ng motorcycle-riding suspects ang kasalukuyang hawak ng Special Investigation Task Groups (SITGs) na ang karamihan ay nasa Davao Del Norte.

Ang naturang kampanya ay isang nationwide initiative ng Philippine National Police sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG) kung saan bibigyan ng stickers na may security features ang mga driver. Isang sticker ang ilalagay sa motorcycle unit at isa ring sticker na ididikit sa drivers license ng may-ari.

Aabot sa 269,063 stickers ang nakatalaga para sa Davao region at makukuha ng mga driver ang mga ito sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.

Upang makakuha, kinakailangang dalhin ng mga driver ang OR/CR ng kanilang motorsiklo, drivers license, at dalawang valid identification cards. | ulat ni Ruth Dumandan – DXRP Radyo Pilipinas Davao