Back pay ng mga na-demote na government nurses, dapat bayaran ng pamahalaan

Pinatitiyak ni ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Mike Defensor sa pamahalaan na bayaran ang back pay ng mga government nurse na na-demote noong nakaraang taon.

Kasunod ito ng kautusan ng Office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na binabaliktad ang desisyon ng Department of Budget and Management hinggil sa rank demotion ng mga nurse.

Kung matatandaan naglabas ang DBM ng isang circular noong Hulyo ng nakaraang taon para sa ‘position modification’ ng mga Nurse 2 na ibinaba sa Nurse 1.

Dahil dito mula sa Salary Grade (SG) 16 (P36,628 – P39,650 depende sa length of service) ay ibinaba ang kanilang base pay sa SG 15 (P33,575 – P36,323).

Ayon kay Defensor, dapat mabayaran ang backpay o nawalang kita sa naapektuhan na mga nurse mula July 2020 hanggang sa ngayong buwan.

Itinuturing namang tagumpay ng kinatawan ang kautusan ng OP para sa mga nurse na frontline workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Dapat naman aniyang mabigyan ng kopya ng resolusyon ang lahat ng government hospitals at siguruhin babayaran na ng tama ang mga nurse.