Babala ni PRRD na pagpapaaresto sa tumatangging magpabakuna, kailangan muna ng batas

Umaasa ang MalacaƱang na hindi na aabot sa puntong kailangan pang ipaaresto ang mga indibidwal na tatangging magpabakuna laban sa COVID-19.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, na ipapakulong ang mga indibidwal na ayaw magpabakuna.

Ayon kay Secretary Roque, hindi ito ipapatupad sa kasalukuyan dahil limitado pa ang supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Gayunpaman, hindi rin aniya imposibleng ipatupad ito sa hinaharap lalo at nagkaroon na rin ng kaparehong kaso noon sa Estados Unidos, kung saan nakasaad, na bagamat may karapatan ang isang indibwal na magdesisyon para sa kanyang sarili nananatili naman ang responsibilidad ng estado, na protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan nito.

Ayon kay Secretary Roque, kung ang pag-impose ng kapangyarihang ito ng estado ang paraan upang maprotektahan ang general public, maaari itong gawin ng pamahalaan.

Ngunit bago ito maipatupapd, kailangan muna aniya ng isang batas o legal na basehan na magpaparusa sa mga hindi magpapaturok ng bakuna.