Babaeng nagpanggap na army major, arestado ng CIDG

Naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang babaeng nagpanggap na Army Major sa isang entrapment operation sa New Lower Bicutan, Taguig City.

Kinilala ni PNP CIDG director Police Major General Albert Ignatius Ferro ang suspek na si Cassandra Stephanie Galvez alyas Major Maria Christina Galvez na nagpanggap na recruitment officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Modus umano ni Galvez ang manghingi ng “processing fee” sa mga gustong magsundalo, kapalit ng mabilis na pag-aayos ng kanilang aplikasyon.

Nakasuot pa ng uniporme ng AFP si Galvez nang hulihin ng pulisya makaraang tanggapin ang 40,000 pisong boodle money.

Nakuha rin sa suspek ang iba’t ibang identification card, documentary requirements, cellphones at kahon ng balang kalibre .45

Mahaharap ang suspek sa patung-patong na kaso kabilang ang Robbery/Extortion at Estafa.