Babae, natagpuang patay sa Barangay Dayapan, Lemery Batangas

Wala pang pagkakakilanlan sa isang babae na natagpuang patay kaninang ala-1 ng madaling araw sa Barangay Dayapan, Lemery Batangas.

Sinabi ni Police Regional Office 4-A Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang labi ng babae ay natagpuan ng isang concerned citizen na nakahandusay sa shoulder lane ng R. Diokno Highway, Calaca, Batangas.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives o SOCO ng PNP sa pagkamatay ng biktima habang katuwang ang Lemery Police para matukoy ang pagkakakilanlan nito.

Samantala, nagpapatuloy naman ang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Quezon Provincial Police Office laban sa dalawang armadong lalake sakay ng motorsiklo na bumaril at nakapatay sa lalaking si Ruben Pontilar Subia, sa Barangay Sta Rosa, Mulanay, Quezon kaninang alas 5:10 ng umaga.

Itinaas na rin ang flash alarm sa mga kalapit na Police Station para sa dragnet at checkpoint operation sa posibilidad na maaresto ang tumakas na mga salarin.

Kasabay nito, iniimbestigahan na rin ng pulisya ang motibo sa pamamaslang kay Subia. | Ulat ni Rey Ferrer