Ayuda para sa mga magsasaka sa Ilocos Norte na naperwisyo ng bagyong Ineng, tiniyak ng DA

Naglaan na ng pondo ang Department of Agriculture (DA) para tulungan ang mga magsasaka sa Ilocos Norte na pininsala ng tropical storm Ineng.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, magbibigay ng emergency financial assistance ang Department of Agriculture sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) program.

Bawat magsasaka ay maaaring makautang ng hanggang P25,000 na may zero-interest at babayaran ng hanggang tatlong taon.

Ang pautang sa mga magsasaka ay idadaan ng DA -Agricultural Credit Policy Council sa pamamagitan ng Nueva Segovia Cooperative.

Ang hakbang ay ginawa ng kalihim matapos isailalim sa State of Calamity ang Ilocos Norte dahil sa bagyong Ineng.

Base sa ulat, nasa 18,000 katao ang naapektuhan ng malakas na ulan at pagbaha bunga ng sama ng panahon.

Pumalo na rin sa P231.62 million ang damage sa agrikultura at imprastraktura.