Autonomiya at mahusay na polisiya ukol sa ancestral domain sa Cordillera, mas mapapatatag pa sa ilalim ng pederalismo – DILG

Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government na mapatatatag pa ang autonomiya sa Cordillera at magkakaroon ng mas mahusay na mga polisiya ukol sa ancestral domain sa Cordillera.

Ayon kay DILG Assistant Secretary for Communication and Public Affairs Jonathan Malaya, ito ay mangyayari sa sandaling maisailalim ang bansa sa pederalismo.

Kaugnay nito, hinimok ni Malaya ang lahat ng sektor na makiisa at dumalo sa “Pederalismo Serye” sa Crown Legacy Hotel sa Baguio City ngayong araw.

Isa sa mga tatalakayin sa federalism convention ang magiging kinabukasan ng Cordillera sa pakikipag-diyalogo sa pagitan ng DILG at multi-sectoral groups.

Tiniyak pa ni Malaya na ang isasagawang diyalogo at kumbensiyon ay magbibigay-linaw sa agam-agam na baka mawawala na sa ilalim ng pederalismo ang kasalukuyang provision ng Konstitusyon na nagtatakda sa sistema ng pamamahala sa Cordillera region.

Una nang umapela ang local officials ng Cordillera sa Kongreso na bigyan ng paglilinaw ang sinasabing Constitutional provision hinggil sa autonomiya ng Cordillera. | ulat ni Rey Ferrer