Atty. Salvador Panelo, sinabihan ang mga kritiko na gamitin ang sentido kumon sa tuwing nagsasalita si Pangulong Duterte

Hindi dapat gawing literal ang ilang bahagi ng pananalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tuwing ito’y nagsasalita sa taong bayan.

Ito ang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo sa harap ng ginagamit aniyang pambutas ng mga kritiko sa “jet ski remarks” na iniuugnay sa usapin ng West Philippine Sea.

Panawagan ni Panelo sa mga detractors ng Punong Ehekutibo, gamitin ang common sense para malaman kung nagbibiro ba o seryoso ang Presidente sa mga sinasabi nito.

Halata naman ani Panelo na ang nabanggit nuon ng Pangulo sa presidential debate na siya’y mag je- jet ski papuntang West Philippine Sea ay isang biro na may mensahe.

Pilit lang aniya talagang binabaluktot ng mga kritiko ang sinasabi ng Presidente sa layuning maikatwiran ang maling akusasyon sa Punong Ehekutibo.