Atty. Lizada, binigyan ng ibang pwesto sa gobyerno; Bayaw ni Davao City Mayor Sara, itinalaga sa Agriculture Department

Binigyan ng bagong puwesto ng Pangulong Rodrigo Duterte si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Spokesperson at Board Member Assistant Secretary Atty. Aileen Lizada.

Sa inilabas na appointment paper ng Malacañang, itinalaga ng Pangulong Duterte si Lizada sa Civil Service Commission o CSC bilang Commissioner.

Nilagdaan ng Presidente ang appointment paper ni Lizada nitong nakaraang Nobyembre 9.

Si Lizada ay magsisilbing commissioner ng CSC na may terminong magtatagal hanggang February 2, 2025, kapalit ni Robert Martinez.

Sa kabilang dako’y itinalaga rin ng Pangulong Duterte bilang Undersecretary ng Department of Agriculture si Waldo Reyes Carpio, bayaw ni Davao City Mayor Sara Duterte, at kapatid ni Atty. Mans Carpio.

Itinalaga naman ng Pangulo bilang ambassador extraordinary and plenipotentiary for the Republic of Chile si Teresita Cruz Daza.  | ulat ni Alvin Baltazar