Atty. Larry Gadon, muling iginiit na walang kinalaman ang Pangulong Duterte sa Sereno impeachment

Muling pinabulaanan ni Atty. Larry Gadon na siyang complainant sa Sereno impeachment na may kinalaman si Pangulong Duterte sa kanyang reklamo laban sa punong mahistrado.

Tugon ito ni Gadon, matapos na magdulot ng haka-haka ang presidential photo kung saan makikitang kasama nito si Special Assistant to the Pres. Bong Go at pati na rin ang Pangulo sa inagurasyon ng Lisap Bridge sa Oriental Mindoro.

Paliwanag ni Gadon, personal ang pakay niya sa pagpunta sa Oriental Mindoro dahil doon siya lumaki. Maikli lang rin aniya ang naging pag-uusap nila ng Pangulo kung saan binati lamang niya ito sa naturang proyekto at wala ng iba pa.

Hindi lang rin aniya ito ang unang beses na nakasama niya sa isang okasyon si Pangulong Duterte ngunit limitado lamang sa simpleng batian at mensahe ng pagsuporta ang kanyang nababanggit dito.

Wala rin ni isang beses na tinanong umano sa kanya ng Pangulo ang impeachment case dahil kung tutuusin ay hindi naman siya personal na kakilala ng Pangulo.

Nanindigan si Gadon na sarili niyang pagkilos ang impeachment complaint laban kay CJ Sereno at walang ibang nag-impluwensya o nag-udyok sa kanya rito. Malas lang daw ni Sereno dahil nakitaan ng basehan ng House Committee on Justice ang kanyang impeachment complaint. | via Merry Ann Bastasa