Atty. Roque, iginiit na naging maayos ang kanilang paghihiwalay ni Pangulong Duterte

Sa huling pagkakataon ay humarap sa Malacañang Press Corps si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Bukod sa pagpapasalamat, inihayag din ni Atty. Roque ang kanyang pagtakbo hindi sa pagka-senador kundi bilang nominee sa Luntiang Pilipinas Environment Partylist na kanyang ihahain bukas sa Commission on Elections (COMELEC).

Aminado si Roque na masikip ang kanyang tsansa sa senado lalo’t bukod sa pito ang mga re-electionist, kailangang ikunsidera niya din ang aspetong pinansiyal.

Pinabulaanan din ni Roque ang mga naglutangang balitang binitiwan siya ng Pangulong Duterte na kanyang nakausap kahapon, at maayos ang kanilang naging paghihiwalay ng Presidente.

Pinasalamatan din ni Roque ang Pangulo sa alok sa kanyang maging Office of the Press Secretary, ngunit sinabi niyang hindi siya ang tamang indibidwal na mailagay sa posisyon gayung hindi siya nagmula sa larangan ng pamamahayag.  | ulat ni Alvin Baltazar