Atty. Ferdinand Topacio, binalaan sa pag-alok nito ng pabuya para sa ikaaaresto nina NAPC Chair Liza Maza at tatlong iba

Binalaan ni Atty. Krissy Conti ng Public Interest Law Center si Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng alok nitong pabuya para sa ikaaaresto nina NAPC Secretary Liza Maza, dating Agrarian Secretary Rafael Mariano at dating Bayan Muna Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño.

Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, binigyang bigat ni Atty. Conti ang epekto ng pahayag na ito ni Topacio na isang banta sa kaligtasan ng kanyang mga kliyente.

Idinagdag ng depensa, wala pa namang arraignment ang korte sa kasong double murder na isinampa laban sa apat kaya’t mali na udyukan ang bounty hunters.

Payo ni Atty. Conti, dapat maghinay-hinay si Topacio sa kanyang pinagsasabi dahil pwede itong maging daan para sampahan siya ng disbarment case at matanggal bilang abogado.

Pag-aaralan aniya ng grupo ang naging law practice noon ni Topacio na maikukonsidera nang seryosong banta sa law and order ng bansa.

Sa hiwalay naman na statement, binuweltahan ni Atty. Evalyn Ursua si Presidential Spokesman Atty. Harry Roque nang sabihin nito na mas makabubuti kay Maza at sa iba pa na isuko ang sarili sa batas at sumunod sa proseso.

Paalala ni Atty. Ursua kay Secretary Roque alam nila ang mga proseso sa isang criminal case bilang matagal nang practitioner sa legal profession.

Samantala, ngayong araw inilunsad ng mga tagasuporta ni Maza ang grupong #DefendSecLiza na nananawagan para itigil ang political persecution laban sa kalihim at sa tatlong iba pang kapwa akusado nito.  | ulat ni Shane Juan