Atensyon ng mamamayan sa Red October plot ng CPP-NDF-NPA, nais ilihis ni Joma Sison sa kagustuhang ituloy ang peace talks — DILG Sec. Año

Nais lang ni CPP-NDF Chairman Jose Mari Sison na ilihis ang atensyon ng mamamayan sa planong pagpapatalisk sa Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng alok na muling ipagpatuloy ang peace talks.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Secretary Eduardo Año, posibleng napag-isipan ni Sison na hindi na oobra ang plano nilang Red October plot kaya’t nais nito na ibaling ang atensyoni sa peace talks.

Pero Giit ni Año na wala nang saysay ang pag-uusap sa kapayapaan kung patuloy namang pinagpapatay ang mga tauhan ng government forces at sibilyan at hindi tumitigil sa kaguluhan ang rebeldeng NPA tulad ng ginawa nito sa ambush sa Camarines Sur.

Kailangan aniya ng kapayapaan ang confidence-building measures, at ang CPP/NPA/NDF ay nabigo na irespeto ito at walang ibang sisisihin kundi sila mismo.

Kung seryoso lang sana si Sison at kanyang mga alipores, dapat itinigil na ng communist terrorist groups ang lahat ng uri ng kaguluhan, extortion activities at pagsusunog sa construction o farm equipment at sa halip magtiwala sa pamahalaan para makamit ang tunay na kapayapaan.

Sa panig ng pamahalaan aniya, pursigido sila na gawin sa lalong madaling panahon na maibalik ang peace and order sa bansa.

Sa halip na makipag-usap kay Joma Sison itutuloy ng pamahalaan ang localized peace talks na nais ng Pangulo para patunayang hindi ito bumibitiw para makamit ang tunay na kapayapaan.  | ulat ni Rey Ferrer