Atas ng PNP Chief sa mga pulis sa Bicol at Quezon: Maghanda sa pag-atake ng NPA

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang lahat ng units ng PNP sa Bicol at Quezon na maghanda sa pag-atake ng New People’s Army (NPA).

Ito’y sa gitna ng magkakasunod na pag-atake ng mga NPA sa Masbate City, Legaspi City, at Buenavista, Quezon sa linggong ito.

Dalawang sibilyan ang namatay at sugatan ang isang menor-de-edad sa pagpapasabog ng landmine at pamamaril ng NPA sa Masbate City.

Apat na sibilyan naman ang sugatan sa pag-ambush ng NPA sa mga pulis na rumesponde sa panununog ng cell site sa Legaspi City.

Habang patay ang isang militiaman at sugatan ang isa pa nang tambangan ng NPA ang mga tropa ng gobyerno na pauwi mula sa isang gift-giving activity sa Buenavista, Quezon.

Ayon sa PNP chief, desperado na ang NPA sa Bicol at Quezon dahil sa sunod-sunod na pagsuko ng kanilang mga miyembro kaya gusto nilang ipakita na malakas pa rin ang kanilang pwersa sa paglulunsad ng mga pag-atake.

Bukod sa pag-activate ng station defense plan, binilinan din ni Eleazar ang mga concerned PNP units na paigtingin ang kanilang intelligence monitoring sa pagkilos ng NPA sa kani-kanilang area of responsibility.