Assets ng DND at AFP, naka-preposition na sa pagtama ng bagyong Ompong

Naka-preposition na ang lahat ng assets ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa inaasahang pagtama ng bagyong Ompong.

Ito ang iniulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Ricardo Jalad, na nagsabing ang DND at AFP ang siyang mangunguna sa search and retrieval operations sa sandaling mananalasa na sa bansa ang bagyong Ompong.

Ayon kay Jalad, bumuo ng walong incident management teams ang AFP na siyang mangunguna sa pagresponde sa mga rehiyon na tutumbukin ng bagyong Ompong.

Sinabi ni Jalad, na ang bawat teams ay binubuo ng 131 personnel at kasalukuyang nasa Clark, Pampanga, na naka-standby na rin kasama ang kanilang air ambulance.

Bukod sa quick response teams, bumuo din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Rapid Damage and Needs Assessment Team at naka standby na rin sa Clark kasama ang mga tauhan ng AFP.

Naka preposition na rin aniya ang quick response team sa Batanes na may back up satellite phones at portable data communication equipment, para kung sakaling mawalan ng regular na komunikasyon. | ulat ni Leo Sarne