Assessment sa mga landslide prone area sa Region 1, isinasagawa na ayon sa OCD

Inihayag ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 na nagsasagawa na ng assessment at monitoring ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office kung saang mga lugar sa rehiyon maaaring magkaroon ng landslide.

Sinabi ni OCD Region 1 Director Melchito Castro, dahil sa nangyaring landslide sa Itogon, Benguet at Naga City, Cebu kaya’t puspusan rin ang ginagawang assessment ngayon ng MGB sa mga nasasakupan nito sa Region 1.

Mayroon na aniyang mga natukoy na lugar sa rehiyon na posibleng magkaroon ng pagguho ng lupa at sa katunayan, ay mayroon na silang mga rekomendasyon sa mga apektadong lokal na pamahalaan tulad ng pagkakaroon ng relocation site sa mga maapektuhang residente.

Bukod dito mahigpit din ang kanilang paalala, ang pagsasagawa ng pre-emptive evacuation tuwing mayroong kalamidad tulad ng bagyo at habagat, upang makamit lagi ang target na zero casualty sa panahon ng sakuna. | ulat mula sa DZMQ Radyo Pilipinas Dagupan