ASG leader Radulan Sahiron, kasama sa grupo ni Mundi Sawadjaan na tinutugis ng militar sa Sulu

Kasama na umano si Abu Sayyaf Group (ASG) leader Radulan Sahiron sa grupo ni ASG sub leader Mundi Sawadjaan, na tinutugis ngayon ng militar sa Sulu.

Ayon kay Lieutenant Colonel Rolando Mateo, spokesperson ng Joint Task Force Sulu, ongoing ang pursuit operations ng 1101st Infantry Brigade kay Sawadjaan, na siyang nasa likod ng kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu noong August.

Ito ay matapos na makubkob ng tropa ng militar ang kuta ni Sawadjaan sa Indanan, Sulu kahapon.

Ayon kay Lt. Col. Mateo, base sa kanilang intelihensya, kasama ni Sawadjaan na nagtatago ngayon ang ASG leader na si Radulan Sahiron.

Paikot-ikot umano ang grupo nila sa Indanan, Patikul, at Talipao area.

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gilbert Gapay, na positibong development ang pagkakatuklas sa kuta ni Sawadjaan at indikasyon na malapit nang maabutan ng mga tropa ng militar ang mga itinuturing na high value targets.