ASF sa Tatalon QC, kontrolado na; Brgy. Pasong tamo, hindi pa kumpirmadong may ASF

Kontrolado na ang panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Barangay Tatalon sa Quezon City.

Ang Barangay Tatalon ang ikatlong barangay sa lungsod na nagkaroon ng kaso ng ASF.  Una dito ay ang Barangay Bagong Silangan at Barangay Payatas.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, kontrolado na sa tatlong barangay ang ASF virus kaya walang dapat ipangamba ang mga kalapit barangay sa posibleng pagkalat ng naturang epidemya sa baboy.

Ito ay makaraang isailalim agad sa ‘culling’ o pagkatay sa mga baboy sa naturang mga barangay na nagpositibo sa ASF.

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang monitoring ng city veterinarian sa mga backyard farm sa iba pang barangay sa lungsod at sa lahat ng entry points ng mga pamilihan upang matiyak na walang mga produktong karne ang mabebentang maysakit.

May kabuuang 60 baboy ang nagkaroon ng ASF sa Barangay Tatalon, mahigit 900 sa Barangay Payatas at mahigit 400 sa Barangay Bagong Silangan.

Samantala, matapos ang Tatalon ay Barangay Pasong Tamo naman ang tinitingnan ngayon na narating ng nakahahawang sakit sa mga baboy.

Bagamat may mga senyales, hindi pa kumpirmadong may ASF na rin sa Pasong Tamo, hanggat hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang pagsusuri.

Pinagkakalooban naman ng lokal na pamahalaan ng tulong-pinansyal ang mga hog raisers sa halagang P3,000 bawat alagang baboy na mapasasailalim sa culling operations.