Asec. Mocha Uson, handang humingi ng tawad kay Kris Aquino ayon kay SAP Go

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na at si Special Assistant to the President Bong Go ang kumausap kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson kaugnay ng naging away nito kay Kris Aquino.

Ayon kay SAP Go, kanilang pinayuhan si Uson na huwag nang palakihin ang isyu at mula doo’y nagsabi naman ang PCOO official na handa siyang mag-sorry sa nakaalitang aktres.

Sabi ng kalihim, kanilang nauunawaan ang dalawa na parehong nasaktan. Ang isa’y bilang anak at ang isa nama’y bilang isang solidong tagasuporta ng Pangulo.

Inihayag ni Go na sa mga panahong ito ay mas maiging magtulungan na lang sa halip na mag-away para sa ikabubuti ng bayan.

Ang mahalaga ayon sa SAP chief, tapusin na ang anumang hindi pagkakaintindihan bilang respeto na rin sa mga kapwa Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar