Arson attack sa printing plant ng pahayagang Abante, kinondena ng mga senador

Tahasang kinondena ng mga senador ang ginawang pag-atake at panununog sa printing plant ng pahayagang Abante kahapon sa Parañaque City.

Ayon kay Senador Grace Poe, malinaw aniya itong pananakot hindi lamang sa naturang pahayagan kundi maging sa mga mamamahayag na nagbabalita ng impormasyon at maling gawain ng iba’t ibang tao.

Nanawagan rin ang senadora na mabigyan ng karampatang tulong ang mga empleyado na nasaktan sa naturang pag-atake.

Para naman kay Senador Sonny Angara, walang lugar ang ganitong klase ng karahasan sa ating komunidad.

Isa aniyang mahalagang elemento ng ating demokrasya ang “freedom of the press” kaya’t hindi dapat payagan ang anumang gawaing susupil dito.

Sa huli nanawagan ang mga senador na magkaroon ng masusing imbesyon sa insidente at mapanagot ang mga taong nasa likod ng pag-atakeng ito.

Alas-2:00 ng madaling araw kahapon nang sapilitang pasukin ng apat na indibidwal ang printing plant ng nasabing pahayagan.

Binuhusan ng mga ito ng gasolina ang printing machines at supplies sa lugar at saka sinilaban.