Army Chief Lt. Gen. Alberto, nag-ninong sa sanggol ng amasonang nagbalik-loob

Nag-ninong si Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Macairog Alberto sa binyag ng tatlong buwang sanggol ng isang amasonang nag-balik loob sa pamahalaan.

Tumayo ding ninong sa binyag na isinagawa sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija noong Sabado, si Major General Felimon T. Santos, ang Commander ng 7ID.

Ang okasyon ay naging pagkakataon din para muling magkatagpo ang dating amasonang si “Ka Rose” at ang ama ng kanyang anak na si alyas “Tomas.”

Si Tomas ay dating miyembro ng Kilusang Sierra Madre na sumuko rin sa Northern Luzon Command noong November 21.

Matapos ang seremonya, nagpasalamat ang dalawang dating rebelde sa pamahalaan sa pagkakataon na ibinigay sa kanila para makapagbagong buhay at makapagsimula ng pamilya, sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (E-Clip).

Nanawagan ang dalawa sa kanilang mga dating kasamahan sa kilusang komunista, na ibaba na rin ang kanilang armas, at mamuhay na ng matahimik. | ulat ni Leo Sarne