Arestadong Councilor Ricardo ‘Ardot’ Parojinog, kakasuhan ng pagnanakaw ng kuryente

Kakasuhan ng Philippine National Police ng pagnanakaw ng kuryente si Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na inaresto ng mga Taiwanese authorities nitong Miyerkules.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. John Bulalacao, ang kaso ng pagnanakaw ng kuryente ay bukod pa sa mga kasalukuyang kinakaharap na kaso nitong illegal possesion of firearms and explosives.

Magugunitang na-recover ng PNP ang mga iligal na armas sa kanyang tahanan nang magsilbi ng search warrant ang PNP sa compound ng mga Parojinog noong nakaraang taon, kung saan napatay matapos manlaban ang kapapatid ni Ardot na si dating Ozamiz mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr.

Wala si Ardot sa kanyang tahanan noong panahong iyon at nagtago ng 10 buwan bago ito nahuli sa Taiwan.

Sinabi ni Bulalacao na ang panibagong kaso ng pagnanakaw ng kuryente ay dahil naman sa natuklasang jumper sa kanyang tahanan noong panahon ng raid.

Si Ardot ang huling miyembro ng pamilya Parojinog na pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay umano ng kanilang pagkakasangkot sa iligal na droga. | via Leo Sarne