‘Appraisal mission’ para maibalik sa original design condition ang operasyon ng MRT3, nakumpleto na

Naisapinal na ng Department of Transportation (DOTr) at ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang tinatawag na ‘appraisal mission’ para sa rehabilitation at maintenance project ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3).

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, nilalaman nito ang mga detalye sa gastusin ng proyekto, iskedyul at ang saklaw ng trabaho na magbabalik sa original design condition ng train line.

Base sa diskusyon, isasailalim sa apatnapu’t tatlong (43) buwang rehabilitasyon ang buong MRT-3 sa halagang P16.9-B.

Nakatuon ang upgrading sa power supply, catenary, radio, public address, CCTV at signalling systems ng MRT-3.

Aayusin din ang iba pang pasilidad ng tren gaya ng rail tracks, road rail vehicles, building at depot equipment at mga elevator at escalator.

Inaasahang sa Hunyo pormal na lalagdaan ang loan agreement ng proyekto at pag-takeover ng bagong maintenance and rehabilitation provider mula sa kasalukuyang pangangasiwa ng MRT-3 maintenance transition team. | via Shane Juan