Appointment papers ng susunod na AFP Chief, hinihintay na lang ng DND

Hinihintay na lang ng Department of National Defense (DND) ang appointment papers mula sa Malacañang ng magiging susunod na Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff.

Ito ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasabay ng pagsabi na si Lt. General Noel Clement ang umano’y napili ng Pangulo bilang kapalit ni outgoing AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal na magreretiro sa susunod na linggo.

Una na ring sinabi ni Gen. Madrigal na sa kanyang pagkakaalam ay may napili na ang Pangulo mula sa short list ng mga heneral na inirekomenda ng AFP Board of Generals para pumalit sa kanyang pwesto, pero ipauubaya na niya sa mga nakatataas ang pag-anunsyo nito.

Si Lt. Gen. Clement na kasalukuyang commander ng AFP Central Command na nakabase sa Cebu City, ay miyembro ng PMA Sandiwa Class of 1985.

Kaklase o mistah niya sina Gen. Madrigal at dating AFP chief na ngayon ay OPAPP Secretary  Carlito Galvez.

Si Clement ay dating commander din ng 10th Infantry Division na may area of jurisdiction sa Soccksargen at Davao Region bago itinalagang Central Command commander.

Si Clement ay isa din sa mga opisyal ng AFP na dawit sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos nuong 2007 pero na-cleared din ng mga investigating authorities hinggil sa kaso.