Appointment ni Albayalde bilang susunod na Hepe ng PNP, welcome kay Sen. Angara

Welcome para kay Senador Sonny Angara ang appointment ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde bilang susunod na Hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Angara, ang appointment ni Albayalde ay panibagong oportunidad para higit pang mapaghusay ang imahe ng pambansang pulisya, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa usaping pangkarapatang pantao.

Diin ng mambabatas na kanyang inaasahan, na ang PNP sa ilalim ng pamumuno ni Albayalde ay tutupad sa mandato nito na pagpapa-iral ng batas, labanan at kontrolin ang mga krimen, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at segurihin ang kaligtasan ng publiko at panloob na seguridad.

Tuwiran ding hiniling ni Angara kay Albayalde na tugunan ang extrajudicial killings na ini-uugnay sa giyera ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Ang Pangulong Duterte ang siyang nag-anunsyo noong isang linggo na si Albayalde na ang papalit sa nakatakdang magreretirong si Director-General Ronald ‘Bato’ dela Rosa bilang hepe ng pambansang pulisya. | via Jojo Ismael