Apology ng Chinese boat captain na sangkot sa Reed bank incident, di katanggap-tanggap РPamalakaya 

Hindi katanggap-tanggap para sa fisherfolk group na Pamalakaya ang paghingi ng paumanhin ng Chinese boat captain na sangkot sa insidente sa Reed bank o Recto bank.

Ayon kay PAMALAKAYA National Chairperson Fernando Hicap, ang apology letter ng kapitan ay walang katotohanan dahil pinalalabas na aksidente lang ang nangyari kahit na aniya ito ay sinadya.

Hindi rin aniya sinsero sa paghingi ng paumanhin, dahil ngayon lang ginawa, samantalang matagal nang nangyari at parang tinaon lamang sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China.

Sinabi pa niyang hindi rin matutumbasan ng pagso-sorry ang naranasang takot at trauma ng mga Pilipinong mangingisda, na pinabayaan ng Chinese vessel.

Kung talagang sinsero aniya sila sa paghingi ng paumanhin, dapat na tigilan na nila ang pananakop sa fishing waters ng bansa, at respetuhin at kilalanin ang karapatan ng mga Filipinong mangingisda sa West Philippine Sea.