Apela sa paglaya ni dating Mayor Sanchez, ‘di na kakayanin

Magkakatalo na lang sa computation ng bilang ng taon na dapat ibawas sa sentensiya ni dating Calauan Mayor at convicted rapist-murderer Antonio Sanchez, ang dapat pag-usapan sa gitna ng napipintong paglaya nito mula sa kulungan.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na nagsilbing isa sa mga defense lawyer ni Sanchez sa harap ng samu’t-saring reaksiyon hinggil sa pagkakabilang ng dating alkalde sa may labing isang libong inmates na nakatakdang makalaya, sa susunod na dalawang buwan.

Ayon kay Panelo, hindi na kakayanin pa ng apela o ng anomang intervention kung lalabas na talagang kuwalipikado si Sanchez na mabenepisyuhan ng Republic Act 10592.

Kung iyon aniya ang itinatakda ng batas, ay walang magagawa ang sinoman kundi sumunod sa umiiral na rule of law.

Bahala na ani Panelo ang Bureau of Corrections (BuCor), kung paano ire-recompute ang pagbabawas sa sentensiya ni Sanchez, na umano’y nagpakita ng good behavior, dahilan para makasama ito sa mga umano’y nakatakdang lumaya matapos ang mahigit dalawang dekada.