Apela ng 3 kadeteng sinibak sa PNPA, ibinasura

Ibinasura ng pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang apela ng tatlong kadeteng una nang hinatulang masibak sa akademiya dahil sa tinaguriang “oral sex scandal” noong Oktubre.

Ito ang kinumpirma ni PNPA Director Csupt Chiquito Malayo, na nagsabing nakita nila na kulang sa merito ang motion for reconsideration ng tatlong kadete.

Paliwanag naman ni Malayo, pwede paring umapela ang tatlong kadete sa Philippine Public Safety College (PPSC) na nangangasiwa sa PNPA.

Ang pagkakasibak ng naturang mga kadete ay matapos maputanayang guilty sa kasong administratibo, matapos utusan ng isa sa kanila ang dalawang nakababatang kadete na mag-oral sex habang nanonood ang 2 pang upperclassmen.

Una nang sinabi ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, na walang lugar sa PNPA ang mga kadeteng ito dahil mahirap nang maging opisyal ng PNP ang ganitong klase ng mga tao. | ulat ni Leo Sarne