4 milyong doses ng Pfizer at AstraZeneca vaccines, nakatakdang dumating sa Hunyo ayon sa WHO

Nakatakdang dumating sa buwan ng Hunyo ang apat na milyong doses ng bakunang Pfizer at AstraZeneca, mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO) na inilaan sa Pilipinas.

Ayon sa WHO, inaasahan nila ang pagdating sa COVAX facility ng hanggang 2 milyong Pfizer vaccine bago matapos ang buwan ng Hunyo.

Sa kabila nito ay hindi pa matiyak ni WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe kung isang bulto ang bagsak ng 2 milyong doses ng Pfizer vaccine o dalawang batches.

Maliban dito ay meron din silang hinihintay na 2 milyong doses ng Astra-Zeneca sa Hunyo.

Ayon kay Dr. Rabi Abeyasinghe, ang mga bakunang nabanggit ay nakalaan lahat para sa mga Pilipino mula sa COVAX facility.

Muling pinaalala ni Dr. Abeyasinghe sa national government at sa mga lokal na pamahalaan na ibibigay ang mga bakuna mula sa COVAX facility sa mga health workers, senior citizens at sa mga mahihirap na populasyon.