Apat na ERC commissioner na sinuspinde ng Ombudsman, magkusa na lang na magbitiw sa tungkulin

Hinamon ng United Filipino Consumers and Commuters ang apat na commisioners ng Energy Regulatory Commission (ERC) na sinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil sa kasong neglect of duty.

Ayon kay RJ Javellana, Presidente ng grupo, dapat magkusa nang umalis sa puwesto ang mga opisyal at huwag nang antayin ang Malacañang na sapilitan pa silang pababain sa kanilang pwesto.

Tinawag ni Javellana na makapal ang mukha nina ERC Commisioners Alfredo Non, Gloria Victoria Taruc, Josefina Asirit and Geronimo Sta. Ana.

Sinabi pa ni Javellana, sakaling magkusa ang mga ito na magbitiw ay maililigtas sa tiyak na kahihiyan at pagkasira ang imahe ng ERC.

Aniya, hindi naman nagkukulang ang bansa ng mga mahuhusay na abogado at accountant na maaring humalili sa trabaho ng mga ERC commissioner.

Magugunita na Disyembre 2017 nang ipalabas ng Ombudsman ang suspension order pero nakapagpalabas naman ang Court of Appeals ng injunction na nag-uutos na pabalikin sa trabaho ang apat na ERC officials.

Nag-ugat ito sa reklamo ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. laban kina, Sta. Ana, Non, Asirit at Taruc na inakusahang sangkot sa syndicated estafa. | ulat ni Rey Ferrer

Photo courtesy: https://bit.ly/2KGSBps