Apat na empleyado ng DOJ, nagpositibo sa COVID-19

Apat na empleado ng Department of Justice ang nagpositibo sa COVID-19 nitong nakalipas na linggo.

Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tatlo sa mga nag-positibo sa COVID-19 ay Security Personnel at ang isa ay Administrative Aide.

Sa kabila nito, nilinaw ni Sec. Guevarra na hindi pa sila magpapatupad ng lockdown sa kagawaran maliban na lamang kung madadagdagan pa ang bilang ng mga magpo-positibo sa isasagawang covid-testing.

Tiniyak din ng kalihim na ang mga nag-positibong DOJ personnel ay naihatid na sa kani-kanilang quarantine facility.

Inabisuhan na rin ang mga DOJ employees na posibleng na-expose sa kanilang mga co-employees na nagka-covid na sumailalim na sa testing ngayong araw.

Sa kabuoan, mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic noong Marso, hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa labinlimang empleyado ng DOJ ang tinamaan ng COVID-19 subalit gumaling naman silang lahat.