Anti-COVID Chief Implementer Galvez, naghatid ng PPE sa Jolo, Sulu

Personal na inihatid ni National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. ang 136 na kahon ng Personal Protective Equipment (PPE) sa Jolo, Sulu.

Ang mga PPE na bumibilang ng 4,000 piraso ay nai-turn over sa Sulu Sanitarium Hospital na may ilang aktibong kaso ng COVID-19.

Tinanggap ito ni Dr. Julmafudz Usman, MD, MPH; Medical Officer IV Sulu Sanitarium, kasabay ng pagpapasalamat ni Dr. Aminkadra Majid, Chief of Hospital ng Sulu Sanitarium kay Secretary Galvez at sa lahat ng responsable sa donasyon.

Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Maj. Gen. William Gonzales, mababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Sulu kumpara sa ibang bahagi ng Mindanao.

Ito’y dahil aniya sa mahigpit na pagbabantay ng mga medical frontliner at Metro Jolo Inter-Agency Task Group sa main entry at exit ng lalawigan sa Jolo Pier.

Nagpasalamat din si Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan sa pagbisita ni Secretary Galvez sa Sulu para Personal na alamin ang sitwasyon ng COVID-19 sa lalawigan.

Photos courtesy of 11ID