Anomalya sa pagkain ng mga preso sa loob ng Bilibid, naungkat sa pagdinig sa Senado

Sa pagpapatuloy pa rin ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee kanina tungkol sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law at iba pang kalokohan sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prisons (NBP), naungkat ang anomalya sa alokasyon sa pagkain ng mga preso sa Bilibid.

Humarap sa pagdinig si Angelina Bautista, isa sa mga naging supplier ng pagkain ng mga preso.

Aniya, sa kanilang kontrata mula July 1, 2018 hanggang December 31, 2018 ay naglalaan lamang sila ng budget na P39 para sa pagkain ng kada preso sa isang araw.

Bagay na nakuwestiyon ng mga senador.

Giit ni Senador Panfilo Lacson, bakit ganito lamang kababa ang alokasyon sa pagkain ng kada preso, gayong noong 2018 ay P60 kada preso ang inilaan ng pamahalaan.

Tanong ni Lacson, saan napupunta ang ibang bahagi ng pondo?

Pagsisiwalat naman ni dating BuCor OIC Rafael Ragos, mayroong ibinibigay na P1 million kada buwan na napupunta sa BuCor director.

Bukod sa tinitipid na pagkain, sinabi rin ng kinatawan ng Commission on Audit (COA) na kwestyonable rin ang pagpapalawig ng kontrata ng mga supplier, nang hindi ipinapaalam sa Department of Justice (DOJ) at hindi pagpasa ng mga pagkain sa food safety requirement, partikular sa food portioning.