Anggulong arson sa pagkasunog sa gusali ng Land Management Bureau, pinaiimbestigahan ng DENR

Ipinag-utos na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang imbestigasyon sa ulat na sinadya ang sunog sa gusali ng Land Management Bureau sa Binondo, Manila noong Lunes.

Inatasan ni Cimatu ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Land Management Bureau (LMB) officials na makipagtulungan sa mga imbestigador ng National Bureau of Investigation at Manila Fire District upang malaman ang sanhi ng sunog sa gusali.

Ang sunog na tumagal ng 22 oras ay tumupok hindi lamang sa gusali ng LMB kundi maging ng mga katabing gusali at istablisimiyento kabilang ang National Archives Office.

Sinabi pa ng kalihim, maging ang mga back-up files ng land titles ng DENR regional offices ay tinupok ng apoy.

Bilang staff bureau ng DENR ang LMB, pansamantalang nagtayo ito ng temporary help desk sa DENR main office sa Quezon City upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Plano din ng LMB na ilipat na ang iba pa nitong tanggapan sa DENR. | ulat ni Rey Ferrer