Angara: Trabaho para sa uuwing OFWs mula sa Kuwait, dapat siguruhin ng gobyerno

Muling nanawagan si Senador Sonny Angara sa gobyerno na gawing klaro ang mga plano para sa mga pinauuwing Filipino workers mula sa Kuwait, dahil posibleng malagay sa alanganin ang kapakanan ng pamilya ng mga ito sa pagbabalik-bansa kung walang tiyak na mapapasukan.

Ani Angara, vice chairman ng Senate Labor Committee, bukod sa pagsiguro sa kanilang kaligtasan, dapat ay may trabaho at tulong pangkabuhayan na naghihintay para sa mga papauwing OFWs.

Sa ilalim ng Republic Act 10801, tinatayang 10% ng mga kontribusyon ng OFWs sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), o ang tinatawag na OWWA Fund ang dapat gamitin taun-taon para sa reintegration program para matulungan ang mga OFW na mawawalan ng trabaho sa ibang bansa.

Ani Angara, sa naturang programa, may mga nakalaang trabaho at mga tulong pangkabuhayan na kinabibilangan ng livelihood training, access to credit at grant money na magagamit nilang puhunan sa pagnenegosyo. Sasailalim din sila sa mga libreng financial literacy and techno-skills training, business counseling at bibigyan din sila ng job referrals.

Ngayong taon, sa kabuuang P2.876 billion na budget ng OWWA, P376 million dito ang nakalaan para sa reintegration services. | via Jojo Ismael