Angara: Pagkatapos ng pagreretiro ni General Bato ngayong buwan, asahan pa raw na hindi dito magtatapos ang kanyang pagseserbisyo sa bayan

Inaasahan sana ni Senador Sonny Angara na kanyang mababati si Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ng isang maligayang pagreretiro, subalit, mukhang hindi pa rito aniya nagtatapos ang kanyang serbisyo para sa bayan.

Sinabi ni Senador Angara na mukhang may mga karagdagang misyon pang nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipagkatiwala kay General Dela Rosa pagkaraan ng kanyang pagreretiro ngayong buwan ng Abril.

Aniya, anupaman ang naghihintay na mga bagong misyon ng outgoing PNP chief, ang bansa ay nakatitiyak na mahusay pa rin niyang magagampanan tulad ng kanyang dedikasyon sa kanyang mga ginampanang tungkulin bilang isang alagad ng batas.

Ani Angara, matagumpay na naibaba ni General Bato ang antas ng krimen, trinabaho rin niya na mabigyan ng substansyal na umento ang sahod ng kapulisan, at malaki rin ang naitulong niya sa pagkakaroon ng malawakang upgrade ang mga kagamitan ng PNP.

Mas kampante na rin aniya ngayon ang mga tao sa kani-kanilang mga tahanan at sa mga kalye nang dahil sa matagumpay na kampanya ng PNP laban sa kriminalidad sa ilalim ng liderato ni General Bato. | via Jojo Ismael