Angara, nanawagan para sa lubusang implementasyon ng JobStart Law para matulungan ang mga kabataang tambay na magkatrabaho

Ipinahayag ngayon ni Senador Sonny Angara na ang lubusang implementasyon ng JobStart Law ang kasagutan para magkatrabaho ang mahigit sa isang milyong kabataang tambay na walang trabaho at hindi nag-aaral.

Ayon kay Angara na sponsor ng JobStart Philippines Act o ang Republic Act 10869, sa ilalim ng JobStart program, ang mga tambay na mga kabataan ay  target na mabigyan ng libreng technical at life skills training, placement sa internships, at maging sa job matching at job referrals.

Sa April 2018 Labor Force Survey, ipinakita na ang mga Pilipino na nasa edad mula 15 hanggang 24 na taong gulang ay bumubuo ng 46 na porsiyento o nasa 1.1 milyon ng kabuuang 2.3 milyon na mga walang trabaho.

Ani Angara, ang nasabing unemployed na 41 porsiyento ay mga kabataang nakatapos ng high school, habang 36 na porsiyento naman ang nagtapos na ng kolehiyo.

Ayon sa mga pag-aaral, inaabot ng hanggang dalawang taon ang isang bagong college graduate bago ito makakuha ng trabaho habang ang mga high school graduate ay inaabot ng hanggang apat na taon bago makapagtrabaho at lalo umanong natatagalan na makakuha ng trabaho ang hindi nakapagtapos sa pag-aaral.

Dagdag pa ni Angara, marami sa ating mga kabataan ang walang trabaho nang dahil na rin sa kakulangan ng tamang kaalaman sa mga trabaho na nasa bansa at dito umano sila matutulungan ng JobStart para sila’y mabigyan ng tamang skill o kaalaman sa kanilang papasukang trabaho. | ulat ni Jojo Ismael