Angara, itinutulak ang paglikha ng isang nationwide education at awareness program ukol sa illegal drugs para sa mga mag-aaral

Nanawagan si Senador Sonny Angara para sa paglikha ng isang nationwide education at awareness program ukol sa illegal drugs.

Ginawa ni Angara ang panawagan makaraan na tanggihan ng Department of Education (DepEd) ang plano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pagsasagawa ng mandatory drug testing para sa mga guro at mga batang mag-aaral sa eskwelahan.

Ang panukala ni Angara ay nakapaloob sa kanyang Senate Bill No. 311 kung saan itinatadhana na lilikha ang DepEd ng isang nationwide education and awareness program on illegal drugs na maaaring isama sa mga alin sa K-to-12 curriculum o bilang isang regular at curricular activity sa lahat ng public elementary at high schools sa bansa.

Punto ni Angara na kung ang mga batang mag-aaral ay may sapat na kaalaman tungkol sa napakasamang epekto ng droga, malaki ang tsansa na maililigtas sila sa posibleng pagkalulong dito hanggang sa kanilang pagtanda.

Una rito, tinuran ni Education Secretary Leonor Briones na malinaw aniya sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang curriculum ukol sa preventive drug education para sa mga kabataan. | ulat ni Jojo Ismael