Angara, itinutulak ang abot-kayang pangangalaga at pagpapagamot sa mga taong may kanser

Ipinatitiyak ni Senador Sonny Angara sa gobyerno na may kaparehong oportunidad na maaasahan ang mga mahihirap na pasyente tulad ng nakukuha ng mga mayayaman sa pagpapagamot ng sakit na kanser.

Ayon kay Angara, ang higit na kailangan ngayon ay ang matibay na desisyon ng gobyerno para mabura ang magkaibang kalagayan sa pagitan ng mga mayayaman at ng mga mahihirap na pasyente pagdating sa pagpapagamot ng kanser bunsod ng napakamahal na gastusin sa pangangalaga at pagpapagamot sa mga taong may karamdamang ito.

Ang nasabing malakas na aksyon ng gobyerno ay maisasagawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karagdagang access ng bawat pasyenteng Pilipino sa mga kinakailangang gamot para sa cancer treatment at pinalawak na coverage para sa preventive at diagnostic services.

Punto ni Angara, ang pagpapagamot ng sakit na kanser ay lubhang napakamahal at magastos na inaabot ng daan-daang libong piso hanggang sa milyun-milyong piso.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1570, ipinanukala ni Angara ang isang National Integrated Cancer Control Act na ang layunin ay maging pantay-pantay at abot kaya para sa lahat ng Pilipino ang pagpapagamot ng sakit na kanser.

Sa panukala, palalawakin ang kasalukuyang benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para mapabilang ang pagpapagamot ng sakit na kanser. | via Jojo Ismael