Angara, iginiit ang malawakang pagresponde sa suliraning pangkalikasan ng Boracay

Nananawagan ngayon si Senador Sonny Angara sa pamahalaan para gawing malawakan ang pag-responde nito sa suliraning pangkalikasan ng Boracay, lalo’t ito ang sinasabing dahilan ng pansamantalang pagsasara nito sa publiko.

Naniniwala si Angara na dapat, siguruhin nating malulutas ang lahat ng problemang pinag-ugatan ng pagkasira ng isla.

Sinabi ng senador na mas malaki ang mawawala kung hindi maaaksyunan sa lalong madaling panahon ang mga problemang ito. Mawawala umano sa Boracay ang taguri bilang isa sa mga pamosong tourist destination sa buong mundo.

Kamakailan lamang, isang resolusyon ang isinumite ni Angara sa Senado, ang Senate Resolution No. 633 na naglalayong imbestigahan ang lumalalang sitwasyon ng Boracay at ang mabilis na pagkasira ng kapaligiran nito.

Dapat umanong busisiin ng Senado kung ano ang pinagmulan ng problema at bakit ito lumala nang ganito.

Handa aniyang tumulong ang Senado para sa paglalahad ng ibat-ibang rekomendasyon sa gobyerno na maaaring magamit sa pagpapatupad ng rehabilitasyon. | via Jojo Ismael