Angara, iginiit ang malakas na pamumuhunan ng gobyerno sa sektor ng agrikultura para maiahon sa kahirapan ang mga magsasaka at mangingisda

Liban sa mga mga proyektong pang-imprastraktura, naniniwala si Senador Sonny Angara na kailangan din mamuhunan nang husto ang gobyerno sa sektor ng agrikultura upang maging mas pangkalahatan ang benepisyo mula sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ang pahayag ni Angara ay kanyang ginawa sa kanyang pagsasalita sa ginanap na 2018 National Conference and Agri-Fishery Research and Development Festival sa Sorsogon City kung saan kanyang sinabi na kailangang maisakatuparan umano ang isang ‘agricultural revolution’ na kasabay ng ‘Build, Build, Build’ na inisyatibo ng Duterte administration.

Ayon sa mambabatas, ang isang agricultural revolution ay kailangan para matulungan na muling bumangon ang naghihikahos nang sektor ng agrikultura.

Punto ni Angara na maaaring isa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na itinuturing na may mabilis na paglago ng ekonomiya subalit ito umano’y hindi magiging makabuluhan kung ito’y hindi makararating sa mga magsasaka at mga mangingisda na sinasabing pinakamamahirap na sektor sa Pilipinas.

Isipin na lang natin aniya kung bakit kasama pa rin ang mga magsasaka at mangingisda sa mga pinakamahirap na sektor. Bagama’t pagkain ang kanilang hanapbuhay, marami pa rin sa kanila ang nagugutom kaya marami sa kanila ang nagkakasakit at karamihan sa kanilang mga anak ay hindi nakakapag-aral o kaya naman ay hirap maghanap ng trabaho. | ulat ni Jojo Ismael