Ang Pangulo na ang bahalang maglabas ng narco-list ng mga politikong tumatakbo sa halalan – PNP Chief

Bahala na ang Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng narco-list ng mga politikong tumatakbo sa 2019 elections.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa isang press conference matapos ang isinagawang Joint Peace and Security Coordinating Council Meeting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP kahapon sa Camp Crame.

Giit ng PNP Chief, wala silang authority para ibunyag ang listahan ng narco-politicians.

Magugunitang una nang sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, na naghihintay na lamang sila ng direktiba mula sa Pangulo para ilahad sa publiko ang nasabing listahan.

Ang mga pangalan ng mga local government official na kabilang sa listahan ng narco-politicians ay isinailalim sa adjudication process at positibong natukoy ng apat pang validating agencies na sangkot sa operasyon ng iligal na droga ang mga ito.

Sa ngayon, nasa 84 na mga opisyal ang kabilang sa narco-list ng PDEA, apat dito napatay habang apat ang inaresto.

Kabilang sa listahan ay mga vice mayor, mayor, ilan din ang governors, vice governors, congressmen pero walang senador.  | ulat ni Leo Sarne