Anakpawis solon, pinuna ang mahigpit na seguridad sa isla ng Boracay

Tinawag na overacting ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang inilalatag ngayong security effort ng Joint Task Force Boracay sa opisyal na pagsasara bukas, April 26, ng kilalang tourist destination na Boracay Island

Base sa mga ulat, aabot ng higit sa 600 security personnel mula sa PNP, AFP, Philippine Coast Guard, at BFP ang idi-deploy para magbantay sa buong isla sa anim na buwan nitong pagsasara.

Para sa progresibong mambabatas, mala-martial law na taktika umano ang pinapairal sa isla para pigilan ang anumang uri ng protesta laban sa Boracay closure.

Giit nito, normal lang na magkaroon ng pagkilos ang ilang grupo lalo pa’t libu-libong mga residente ng Boracay at mga manggagawa ang tiyak na maaapektuhan at mawawalan ng trabaho. Dapat ay hayaan umano ng pamahalaan na ipahayag ng mga ito ang kanilang pagkadismaya at huwag itaboy na parang mga kriminal.

Nauna ng nilinaw ng PNP na isa sa mga rason ng mahigpit na security effort nito sa isla ay upang matiyak na mananatili ang peace and order sa isla sa kabila ng isasagawa ritong rehabilitasyon. | via Merry Ann Bastasa