ALU-TUCP, inalala si Donald Dee bilang isang patas at responsableng negosyante

Nakikiramay ang pinakamalaking grupo ng mga manggagawa sa bansa, na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa pagpanaw kahapon ng 72 anyos na negosyanteng si Donald Dee.

Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, ang buo nilang samahan ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya ni G. Dee.

Mataas aniya ang respeto nila sa prinsipyo nito, na ang mga manggagawa ay dapat umangat kasabay ng paglago ng negosyo.

Isa rin umano itong patas at responsableng negosyante na ang kapakanan ng mga manggagawa ang may lugar sa kanyang puso, at naiintindihan niya kung bakit ang labor ay laging humihingi ng taas-sweldo bawat taon kahit ‘nung una ay tinutuligsa niya ito.

Samantalang si ALU-TUCP National Executive Vice President Gerard Seno ay inalala si Dee bilang tagapagtaguyod ng mga manggagawa sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na minsan din niyang pinamumuan.

Habang si ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay ay saludo sa kabutihang puso ng negosyante, na nagtulak din sa gobyerno na magbigay ng abot-kayang “in-city housing” sa mga manggagawa at pagpapababa sa halaga ng gamot at serbisyong pangkalusugan para sa mga ito. | ulat ni Ched Oliva