Alok na negosasyon sa bandidong Abu Sayyaf, panghikayat sa grupo na sumuko na rin sa pamahalaan

Bahagi ng panghikayat ng pamahalaan sa mga kalaban ng estado ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa itong makipag-negosasyon at makipag-usap sa Abu Sayyaf group (ASG).

Ito ang paliwanag ng Palasyo kasunod ng alok ng Chief Executive sa ASG ng pakikipag-usap para sa kapayapaan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pang-akit aniya ito ng Presidente upang makumbinsi ang mga miyembro ng bandidong grupo na magbalik loob na lang sa pamahalaan.

Nais ipunto, ayon kay Roque, sa pagkakataong iyon ni Pangulong Duterte ang katiyakang may naghihintay na bagong buhay para sa mga bandido sa sandaling sila’y sumuko sa gobyerno.

Aminado si Roque na hindi niya rin lubusang nabasa ang naturang pahayag ng Presidente pero ang lundo nito aniya ay ang makamit din ang kapayapaan na pilit inaabot ng administrasyon sa lahat ng kalaban ng estado.   | ulat ni Alvin Baltazar