Alkalde ng Caloocan at DepEd Usec., kinasuhan sa Ombudsman

Inireklamo na sa tanggapan ng Ombudsman si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, kasama ang dalawang opisyal ng lungsod, at ang Undersecretary ng Department of Education (DepEd).

May kaugnayan ito sa maanomalyang pagbili ng mahinang klase ng tablets, para sa online class ng mga estudyante na nagkakahalaga ng P320 milyon.

Ang mga nagsampa ng reklamo ay sina City Councilors Christopher “PJ” Malonzo, Marylou Nubla, at Alexander Mangasar.

Sinabi ng mga complainant, na nagsabwatan ang mga respondent sa pagbili ng overpriced gadget na kalaunan ay hindi naman magamit sa online class.

Kinuwestiyion din ng mga ito ang kawalan ng public bidding na paglabag sa Procurement Law ng pamahalaan.

Ang iba panģ kinasuhan ng katiwalian ay sina DepEd Undersecretary Alain del Pascua, City Treasurer Analiza Mendiola, Bids and Awards Committee Chairperson, Engr. Oliver Hernandez, at ang supplier ng substandard tablets na si Annalou Pallarca, Senior Project Officer ng kumpanyang Cosmic Technology Incorporated.