Alkalde at bise alkalde ng Baloan, La Union, pinagbabaril

Tinambangan kaninang alas-8:10 ng umaga ng mga hindi pa kilalang suspek ang sasakyan ng alkalde at bise alkalde ng Baloan, La Union.

Kinilala ni La Union Police Provincial Director Srsupt Ricardo Layug, ang mga biktima na sina Mayor Aleli Concepcion at Vice Mayor Alfred Concepcion.

Pinagbabaril ang mga biktima at ilan pa nilang kasamahan na nakasakay sa dalawang sasakyan habang ang mga ito ay patungong city hall, sa Balaoan Luna Rd., Brgy. Cabuaan.

Dinala na sa ospital ang mag-amang mayor at vice mayor, pero hindi pa ngayon masabi ng mga pulis ang kondisyon ng mga ito.

Bago ang insidente, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na 18 pulitiko sa buong bansa na ang namatay at sugatan sa mga insidente ng pananambang, mula Enero hanggang Nobyembre.

Ayon kay PNP Spokesperson Csupt Durana, ito ay “cause for concern” lalo pa’t inaasahan ng PNP na tataas pa ang bilang na ito, habang papalapit ang 2019 midterm elections sa Mayo ng susunod na taon. | ulat ni Leo Sarne