Alert status ng Bulkang Taal, hiningi sa Phivolcs na ibaba na

Umaapela ang ilang lokal na pamahalaan ng Batangas sa Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs na ibaba na ang alerto ng Bulkang Taal. 

Ito ay upang tulungan silang makabangong mabuksan ang ekonomiya at sektor ng turismo sa mga bayan na nakapaligid sa Taal Volcano. 

Sinabi ni Talisay Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan Sr., wala na rin umanong nararamdaman na anumang maraming pagyanig sa paligid ng bulkan. 

Maging ang low level background tremor ay hindi na rin umano ganun kalala ang ipinapakita ng bulkan. 

Ayon kay Vice Mayor Natanauan, marami na siyang mga kababayan ang hikahos na sa buhay dahil nawalan ng pinagkakakitaan dahil may takot pa rin umano ang mga turista na magtungo sa kanilang bayan dahil sa alert level 2 ng Taal. 

Ang patuloy umanong pananatili sa alert level 2 status ng Taal ay hindi umano nakatutulong sa hanapbuhay ng mga taga Talisay Batangas at nakalilikha pa rin daw ng takot sa mga turista. 

Ngayong unti-unting binubuksan ng Department of Tourism ang mga tourist destinations sa bansa, umaapela ang bise alkalde na ikonsidera na rin sana ang pagbaba sa alerto ng Taal Volcano upang muling makapag hanapbuhay ang kanyang mga kababayan.