Alert Level 3, iminungkahi na panatilihin hanggang katapusan ng buwan

Hinimok ni Misamis Oriental Representative Juliette Uy ang Inter-Agency Task Force (IATF) na panatilihin ang Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR) at kalapit lugar hanggang katapusan ng buwan o hanggang January 31.

Punto nito, epektibo naman ang ipinatupad na Alert Level 3 bago pa tumama ang Omciron variant dahil sa mababang kaso at mababang occupancy rate ng hospital at ICU beds.

Dagdag pa nito na kung hindi naman napupuno ng severe at critical case ang mga ospital at napapanatiling mababa ang hospitalization rate ay dapat panatilihin na lamang sa kasalukuyang alert level.

Kasabay naman nito, pinasasapubliko ng kinatawan ang mga lugar na nasa special o granular lockdown.

Suportado rin nito ang pagpapanatili sa mga tahanan ng mga hindi pa bakunado.

Dapat naman aniyang bantayang mabuti ng mga barangay officials ang crowd-flow sa mga palengke at pamilihan.