‘Alcopop’, pinapatanggal ni Sen. Pia Cayetano sa mga tindahan at grocery

Nais ipatanggal ni Senadora Pia Cayetano sa mga tindahan at grocery ang alcholic drink na kung tawagin ay ‘Alcopop’.

Sinabi ito ni Cayetano sa naging pagdinig at briefing ng pinamumunuan niyang Senate Ways and Means Committee sa natitirang packages ng Comprehensive Tax Reform Program ng administrasyon. Ang Alcopop ay flavored alcoholic drinks na nakapakete sa makukulay na foil pouch, gaya ng ibang juice drinks.

Ayon sa senadora, nakakabahala kasi ang ganitong packaging, dahil para lang itong juice, pero may seven percent alcohol content, na mas mataas pa aniya sa alcohol content ng ibang beer.

Kadalasan rin aniya itong dini-display katabi ng mga juice products, kaya, maaaring madali lang ang access ng mga menor-de-edad dito.

Giit ni Cayetano, ‘unethical at unlawful’ ang pagbebenta ng mga ito sa mga kabataan.

Kaya naman, dapat ay magkusa na lamang aniya ang mga manufacturer na i-pull out ang Alcopop at kaparehong produkto sa mga tindahan, grocery at convenient stores sa buong bansa.